Para sa mga Bantay

Ang mga sumusunod ay ayon sa mga opinyon at karanasan ng nagsulat. 

Para sa lahat ng bantay ng aming mga pasyente,

Araw-araw namin kayong nakakasama at nakakausap. Sa inyo namin kinukumusta ang pasyente at sa inyo kami nakikibalita kung may nagbago sa kalagayan nila. ‘Bantay’ nga, sa madaling salita. Ngunit alam nating kahit ito ang tinatawag sa inyo, hindi lamang ito ang papel na ginagampanan ninyo. Dahil diyan, gusto kong kunin ang pagkakataong ito upang kilalanin kayo, ang mga bantay ng aming mga pasyente.

Unang-una, gusto ko magpasalamat sa lahat ng ginagawa niyo para sa ating mga pasyente. Salamat sa pagsagot sa Kaalaman form kahit ‘di niyo alam ang isusulat. Salamat sa paghatid ng specimen sa laboratory kahit ‘di niyo alam kung nasaan ‘yon. Salamat sa pagpapa-schedule ng ECG at X-ray kahit umabot kayo sa OPD. Salamat sa paghahanap ng donor kung saan-saan para may maisalin na dugo. Salamat sa pagbobomba ng AmbuBag habang wala pang makina. Salamat sa paghawak sa kamay ng pasyente kapag kumukuha kami ng dugo o nagkakabit ng linya. Salamat sa pagpupunas ng bimpo kapag nilalagnat sila. Salamat sa pananatili sa tabi nila kahit wala kayong maayos na higaan. Salamat sa pagpila sa pharmacy para sa mga kailangan niya. Salamat sa pagsabi sa amin kapag naghihingalo siya, kapag di na siya gumigising, kapag may bago siyang naramdaman. Salamat, salamat, salamat.

Alam naming napakalaking bahagi niyo ng pag-aalaga sa mga pasyente. Alam naming magiging mahirap at masalimuot kung wala kayo para makatulong namin. Sa dami ba naman ng pasyenteng labas-pasok sa PGH araw-araw, hindi talaga namin magagawa ang lahat. Salamat dahil kahit hindi perpekto ang sistema natin, nananatili pa rin ang malasakit ninyo. Sobrang laking bagay sa amin no’n. Dahil dito, gusto ko ring humingi ng pasensya – para sa napakaraming bagay.

Pasensya na kung kailangan niyong magtiis sa init ng ospital. Pasensya na kung isang bantay lang ang puwede naming papasukin. Pasensya na kung kailangan niyong matulog sa sahig. Pasensya na kung kayo pa ang maghahanap ng stretcher at wheelchair. Pasensya na kung mahaba ang pila sa pharmacy. Pasensya na kung napakaraming papeles ang kailangang ilakad. Pasensya na kung malamok. Pasensya na kung maraming pusa.

Pasensya na kung ang dami naming pinapagawa. Alam kong hindi niyo gustong mahiwalay sa pasyente lalo na kung nag-aagaw-buhay siya. Alam kong hindi ito ang inaasahan niyong gagawin niyo no’ng dinala niyo siya sa ospital. Pasensya na tuwing pinapapunta namin kayo kung saan-saan. Pasensya na kung nakalilito ‘yong mga sinasabi namin. Pasensya na kung magulo kami kausap. Pasensya na kung nakaliligaw ang ospital.

Pasensya na kung napagtataasan namin kayo ng boses, kung napagsasabihan namin kayo, kung nasasaktan namin kayo. Pasensya kung nadadala kami ng pagod, puyat, sakit ng ulo. Pasensya na kung may pagkakataong ‘di namin napapaliwanag nang maayos ang nangyayari. Pasensya na kung ‘di namin kayo laging natitignan. Pasensya na kung ‘di namin laging masasagot ‘yong mga tanong ninyo. Pasensya na kung kulang ang kaya naming ibigay.

Pasensya na kung nakakalimutan naming may mga buhay rin kayo, mga buhay na iniwan mula noong naging bantay kayo. Ang iba sa inyo’y may mga pamilyang naiwan sa bahay o kaya trabahong hindi nagagampanan. Ang iba pa nga’y may sakit din at maaaring hindi na rin naaalagaan ang kanilang sarili. Pasensya na kung hinihingi namin lahat ng oras ninyo.

Sana po kahit ang dami naming pagkakamali at kahit maraming problema ang sistema, mapagpapasensyahan niyo pa rin kami. Sana alam niyong ginagawa namin ang lahat ng makakaya namin para sa pasyente.Sa abot ng makakaya namin at ng ospital, pinipilit naming gawin ang pinakanakabubuti para sa kanila. Kahit kailan ay hindi namin sinasadyang makasakit o makasama.

Pasyente man ang nagkasakit, kayo ang naatasan (gusto niyo man o hindi) ng pambihirang trabaho ng pagbabantay. Kayo ang inaasahang laging nasa tabi at laging nandiyan kung may kailangang gawin. Alam kong minsan hindi napapansin na napapagod din kayo at nahihirapan na rin kayo sa sitwasyon. Mahirap pong maging bantay, lalo na sa isang pampublikong ospital tulad ng PGH. Salamat at nandiyan pa rin kayo sa kabila ng hirap na ‘yon. Nauunawaan ko kung mayroon man kayong hinanakit kaya humihingi ako ng pasensya sa inyo.

Tulad ninyo, gusto lang naming gumaling ang pasyente, at alam naming malaking bahagi kayo ng pagkamit no’n. Sana po kahit hindi kami perpekto at hindi rin perpekto ang sistema, magawa pa rin nating magtulungan. Sa dulo naman ng lahat, para sa pasyente rin naman ito.

Muli, salamat sa inyong pag-unawa at pagtitiis, at pasensya na sa lahat ng kakulangan namin. Saludo po ako sa inyo at sa lahat ng ginagawa niyo para sa pasyente.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s