Reklamo

Nakakapagod mag-aral. Nakakatamad makinig sa mga lecture na halos wala kang maintindihan. Nakakairita umupo nang higit sa walong oras. Nakakaantok. Nakakasawa. Kung pwede lang ‘wag na pumasok. May exam ka pa bukas. Wala ka pang alam. Ang dami-dami pang aaralin. Iiyak ka na nga sana kaso sayang lang oras.

Nakakapagod mag-duty. Ang init-init. Ang gulo-gulo. Ang dumi-dumi at ang baho-baho mo na. Ilang oras ka nang di kumakain. Wala ka pang tulog. ‘Di mo na maalala kung nakapag-toothbrush ka ba. Ayaw ka pang kausapin ng pasyente mo. Di ka raw marunong. Gusto raw niya totoong nars o totoong doktor. Hindi mo pa siya makunan ng dugo at palpak ka mag-insert ng line. Tinatamad ka na ring kausapin sila. Hindi mo naman sila kilala. Hindi naman nila alam kung ano pinagdadaanan mo. Hindi ka na makapag-isip nang maayos. Pakiramdam mo hinihila mo na lang mga paa mo para pumasok.

Pero mag-reklamo ka man nang mag reklamo, alam mong wala namang saysay ‘yon. Mag-aaral ka pa rin. Papasok ka pa rin. Gagawin mo pa rin lahat ng kailangan gawin at lulunukin mo pa rin lahat ng pagpapahirap sa’yo.

Kasi ginusto mo ‘yan. Gusto mo maging doktor.

At hangga’t gusto mo maging doktor, hindi ikaw ang mauuna. Hindi ikaw ang priority at hindi ikaw ang bida.

Hangga’t gusto mong maging doktor, pasyente ang mauuna. Buhay ng iba ang iisipin mo. Dahil mas kailangan nila ‘yon. Kaya ka nandiyan, kaya ka may dapat gawin kasi kailangan ka nila. Kailangan ka ng mga taong nanggaling pa sa kung saan para makakita ng doktor; ‘yong nagtiis nang sobrang tagal sa sakit nila kasi wala silang panggastos; ‘yong araw-araw na nakikita mo sila nagtatanong ang mga mata kung bakit sila, bakit kailangang magkasakit; ‘yong maaaring magalit sa’yo, hindi dahil galit sila pero dahil takot sila – takot sila sa sakit na sa ‘di malamang dahilan ay sinampal sa kanila ng tadhana.

Minsan sinabi ko sa kapatid ko na ayaw ko na, na ‘di ko na kaya at titigil na ako. At ‘yon nga sabi niya sakin: “Eh di tumigil ka na.” At tama siya. Puwede namang itigil ko na ‘to. Puwede namang bukas ‘di na ako papasok. Puwede namang maghanap na lang ako ng trabaho, maghanap ng asawa at mag-liwaliw sa kung saan. Pero oras na sinabi ‘yon ng kapatid ko alam kong hindi ko kaya. Alam kong ilang ulit ko mang sabihing ayaw ko na, gusto ko pa rin talaga (Ang labo lang, ano?).

Oo, matagal mag-aral. Oo, matagal pa graduation. Oo, marami ka pang bigas na kakainin (literal). Oo, hindi ka yayaman agad. Oo, papalpak ka pa, maraming beses pa. Oo, minsan parang hindi “worth it” maging doktor. Pero totoo rin na oo, kaya mo ‘yan. Gasgas na at narinig mo na buong buhay mo, pero kung nahihirapan ka ngayon, tandaan mong kaya mo. Kakayanin mo ‘yan.

Maraming dahilan para maging doktor: kasi sabi ng magulang, dahil gustong yumaman, para maging sikat, at iba pa. Maraming dahilan. Pero sa oras na kaharap mo ang pasyente, sila ang dahilan. Sila ang magiging rason kung bakit nandyan ka pa. At sila ang dahilan kung bakit mas madaling lunukin ang reklamo, mas madaling maging bulag sa hirap at patuloy pa ring kumayod.

Kaya kung nahihirapan ka, sige lang, mag-reklamo ka lang. Samahan mo pa ng iyak kung kailangan (at kung may oras). Lahat tayo dadaan diyan. Pero ‘wag mo hayaang kainin ka ng mga reklamo mo, kasi hindi ka nag-aaral para mag-reklamo at para ipagsigawang nahihirapan ka. Hindi magiging madali, hindi talaga. Pero hindi mababawasan ang hirap ng mga reklamo. Sasama lang ang loob mo at sasama rin ang loob ng mga kasama mo, parang virus na kumakalat kahit ‘di mo nakikita. Mahirap talaga dahil buhay ang hawak mo, buhay ang pagsisilbihan mo at buhay ang ipagkakatiwala sa’yo. At sana ang mga buhay na ‘yon ang magpaalala sa’yo kung bakit ka pa nagpapatuloy. Sana sila ang tumulak sa’yo para hindi sumuko. Kung di man uubra ang lahat ng payo, sana ang mga kwento nila ang bubulong sa’yo ng “Kaya mo ‘yan.” At sana ‘yon ang pakinggan mo.

Sana higit sa pagiging mabuting estudyante, pilitin mong maging mabuting doktor. Kasi oras na maging doktor ka, walang mangangailangan ng mga marka mo sa exam o ng medalya mo noong graduation. Ikaw ang kailangan nila. Ikaw at ang kagustuhan mong maging doktor para sa kanila. At hindi ‘yon matutumbasan ng anumang reklamo.

——————–

Ilang linya mula sa “Tagumpay,” ang aming TRP Chorale Contest piece nitong Disyembre 2014 (arranged by Gurliez):

Ilang ulit mang mabigo, anuman ang dumating,

Hindi kami susuko, hamon ay haharapin, hangga’t may mga

Labing nakangiti

Matang puno ng pag-asa,

Pusong pumipintig,

Pasyenteng nagtitiwala.

Ipagpapatuloy namin ang medisina

Ipagdiwang natin ang medisina.

30 responses to “Reklamo

  1. can i just say that i read this every time i think about giving up… but this message always give me a reason not to. thank you so much 🙂 God bless

    Like

    • Oh my goodness. This comment totally made my day. Thank you so much @jhessie! Keep on pushing yourself forward. Thank you for reading this. I hope you’ll always find a reason to keep going and never give up. God bless! 🙂

      Like

  2. Finals nanamin, tapos nanganganib pa ako bumagsak, ang rule kasi ng ng nagpapaaral sakin kapag bumagsak daw ako, kailangan ko ng huminto. Pero gustong gusto ko talaga maging Doctor kahit na hirap na hirap na ako mag-aral. Nakita ko itong post na to, naisip ko na hanggan sa huli gagawin ko talaga makakaya ko para wala ako pagsisihan sa huli. 🙂 thank you and goodluck!

    Liked by 1 person

    • Hi Nina! Thank you sa pagdalaw rito sa blog ko at sa pagbabasa! Naku, kaya siguro lalo kang kinakabahan at natatakot sa pagdating ng finals niyo. Pero alam mo, bilib pa rin ako sa’yo, kasi nangangarap ka pa ring maging doktor. Para sa akin, lahat ng gusto maging doktor ay matapang, kasi hindi ‘yun madali. Mabigat siya sa bulsa, sa aral, sa tiyaga. Masaya ako at kahit papaano nakatulong ako sa’yo. Pagdadasal ko ‘yung finals mo, na sana maging okay ang lahat. ‘Wag kang susuko sa mga pangarap mo at sana lagi kang makahanap ng dahilan para magpatuloy. Thank you rin ha, at goodluck din sa’yo at sa lahat ng gagawin mo! 🙂

      Like

  3. Gustong gusto ko maging doctor. Pinaghahandaan ko na nga ngayon ang NMAT para next year, makapag enroll na ako pero hirap na hirap ako balikan ang nakaraan (HS Subjects). Minsan, naiisip ko ng sumuko at ipagpatuloy na lang ang pagiging nurse pero nung nabasa ko tong blog mo, na inspire ako na ipagpatuloy ang pangarap ko. Ang NMAT ay isa lamang “warm up” sa totoong laban sa larangan ng medisina. Tama ka, maaari tayo umiyak at mag reklamo pero sayang lang ang sand sa loob hour glass (oras). Salamat at nag sulat ka ng ganito. Natulungan mo akong huwag sumuko sa pangarap ko.

    Liked by 1 person

    • Hi @janemyloves! Salamat sa pagbisita sa blog ko! Natutuwa akong makakilala ng kapwa nurse! Minsan akong naging tulad mo na ginusto ring maging doktor at takot na takot din sa NMAT. Nakakatakot talaga, at feeling mo wala ka talagang alam. Mahirap pa e malaking bagay ang NMAT pagdating sa med school applicaton. Masaya ako at kahit papaano napagaan ko at napatibay ko ang loob mo. Kung gusto mo talaga, alam kong kakayanin mo. Nakikita kong matapang ka, at nakikita kong ‘di ka basta-basta susuko. Pagdadasal ko mga pangarap mo. Godbless! 🙂

      Like

  4. Hello.Salamat sa post na ito.Tapos na ako maging estudyante ngunit ngayon kahit na ako ay nasa residency training, ganitong-ganito pa din ang pakiramdam: may mga araw na gusto mo na magquit dahil hirap ka na,may mga tao pang gusto kang siraan tapos napakadami mo pang pasyente na matitindi ang kaso. Pero sa oras na naiisip ko umalis na lang, lagi akong sinasabihan ng mga tao sa paligid ko na, lilipas din yan at magkakaroon din ng liwanag.

    kaya salamat sa artikulong ito. salamat at kahit papaano meron pa ding katulad ko na hindi pa din susuko sa pagiging doktor.mabuhay ka!

    Liked by 1 person

    • Hi Happy Sunday! Wow! Sobrang nakakatuwa na isang doktor tulad mo ang nakabasa ng blog ko. Thank you po! Saludo po ako sa inyo dahil nakaraan na kayo sa pag-aaral, graduation at ngayon nasa residency training na, pero patuloy pa rin kayong nangangarap at nagpapatuloy. Nakaka-inspire po kayo :). Mabuhay po kayo! All the best sa career niyo bilang doktor at lahat pa ng gagawin mo. Godbless! 🙂

      Like

  5. Nice thoughts :).. pero sana marealize din ng mga nakabasa nito that it doesn’t end with graduating and passing the board exam.. mas mahirap humarap sa laban ng totoong buhay kung hindi ka huhugot sa puso mo ng determinasyon at pasensiya :).. you’ll meet people frm different walks of life, kung marupok ang pundasyon, baka bumigay ka sa harap ng pagsubok.. kaya smile lang, at isapuso ang dahilan kung bakit talagang gusto mong mag-doctor.. 🙂

    Liked by 1 person

    • Hi gra oquendo! Salamat po sa pagbabasa! Tama po kayo! Ang pinagdadaanan namin bilang med students ay patikim lang sa tunay na laban bilang doktor. Kaya ko rin po ito naisip, kasi kung ngayon pa lang ‘di namin titibayan ang loob namin, paano pa sa totoong laban? At agree na agree po ako sa inyo na smile lang! Strength and smiles go a long way 😀 Salamat po sa paalala na kailangan may ‘hugot’ mula sa puso, determinasyon at pasensiya. 😉

      Like

  6. I agree except when in medicine and when you have the patient care first in your mind, you will never become rich materially. So, subtract that as a reason for being a doctor. hahaha 🙂 More power Ella!

    Liked by 1 person

  7. Hi..nice to hear that story behind medlife.i.was one.of those..med studs din.ganyan reklamo.at.hinaing.actually until now.kahit.im.practicing my specialty peds not in pinas.but.to practice in.another.country for.some.financial reasons..gaya.sbe.ko.bukambibig ko.pa.din.bket ako.ngdoctor..ahmm..mahirap.sya and.mhal tuition fee and yet more sacrifices. Then.after residency training..parang.ang tagal.ng return of investment.so.i.chose to.go.abroad para makaipon.and come.back.pag.may.investment.nA para.mY ipapakain.ako.sa.future fMily ko.pG.ngstart na ko to build.practice on.my homeland..well. Ganun.tlga.ang life.naten and ienjoy na.lng.and chillaxx..

    Liked by 1 person

    • Hi markiepedsmd! Yes, one of the realizations I had when I started med school is that the return of investment is really slow. Even after med school, I’ve seen that other graduates struggle with their salaries while enduring the hardships in the hospital. That made me realize that you must really want to be a doctor to endure all of it, because there will always be so many reasons to give up. Thanks for visiting my blog! Good luck on your career!

      Like

  8. Good to know you are taking time to think and reflect. Use your writing talent to inspire and create opportunities for your other colleagues to also think about their own personal struggles. Check out the works of dr atul gawande and dr rachel remen. Good luck on your own learning curve!

    Liked by 1 person

    • Hi liza orange! Thank you for visiting my blog! And thank you for your kind words 🙂 This is my way of releasing tension from the stressors of medical school. I’ll check your suggestions out, too. Thanks for suggesting 🙂 All the best in your endeavors as well! 🙂

      Like

  9. Thanks you so much Ms.Ellamae . Kanina lang nag-rereklamo ako about my thesis, then nabasa ko ‘tong article mo sa newsfeed ko.Grabe! You’re one of my Inspirations na. hehe 🙂

    Liked by 1 person

    • Hi Jads! Thanks for visiting my blog! Nung sinulat ko rin naman ‘to, maraming reklamong tumatakbo sa isip ko, kaya kinailangan kong magmuni-muni para mapag-isipan nang mabuti kung bakit ko ito ginagawa. Tingin ko ‘yon naman ang kailangan natin: dahilan para magpatuloy. Mas madaling kumayod ‘pag may dahilan ang lahat. Aww, thank you. Good luck sa thesis mo! Kapit lang at ‘wag susuko!:)

      Like

    • Hi Nitesh! Oh. I usually write in English, but I just felt that I could better communicate my ideas regarding this in Tagalog over English. Hmm, if you’re interested, I could translate it for you. You can contact me via my email emimasamayor@gmail.com 🙂 Just let me know 🙂

      Like

  10. sobrang nakaka-inspire tong binasa ko..med.tech student palang ako ngayon at naka-plano na talaga na tutuloy ako sa medicine after nito,kahit alam kong mahirap lang kame at sinusuportahan ko lang ang sarili ko para makatapos,alam kong makakatapos ako at maabot ko ang pangarap kong maging doctor,wula sa isip ko na ikakayaman ko ang pagiging doctor pero nangingibabaw sa puso at isip ko na mas maraming kababayan ko ang matutulungan ko pag nakatapos ako ng medicine.mahirap ang mga dadaanan ko lalo nat isa lang akong sumusuporta para sa pangarap ko..salamat sa inspirasyon..godbless us.

    Liked by 1 person

    • Hi Chad! Naku, ako naman ang na-inspire sa kwento mo! Mahirap ituloy ang pangarap kung may mga ganyang balakid, pero sa kabila nun, handa ka pa ring habulin ‘yon. Nakakatuwa lalo na’t pati ‘yong dahilan mo ay para talaga sa mga kababayan natin. Galingan mo ha! ‘Wag susuko! 🙂

      Like

  11. Sobrang ganda po ng post na ito. Kahit hindi pa ako nakakatungtong sa medisina, ramdam na ramdam ko na lalo napatibay ang loob kong ipaglaban ang pangarap ko 🙂 sana lang makapagaral na ako ng med haha. I took NMAT and passed last time but due to financial reasons hindi ako nakaenroll. Right now I’m working pero never nawala sa isip ko ang kagustuhang makapagaral muli. Kaya naman sa mga nasa med ngayon, ipagpatuloy nyo lang ang laban kasi one step ahead na kayo sa lahat ng nangangarap maging doktor! Kagaya nga ng sinabi ni Miss Ella, kakayanin nyo yan! 🙂

    Liked by 1 person

    • Hi Tatin! Nakaka-inspire ang pangarap mo. 🙂 Malaking bagay talaga ang financial reasons sa med school. Bilib ako sayo kasi di ka napagod mangarap. Pagdadasal ko yung katuparan ng mga pangarap na yon. Salamat sa pagbabasa! 🙂

      Like

Leave a reply to ellamae Cancel reply